LIFELINE RATE EXTENSION BILL NG POWER BLOC, NAISABATAS NA


Ang panukalang-batas na inihain ng Power Bloc na nagpapalawig ng implementasyon ng Lifeline Rate ay ganap nang batas sa bisa ng Republic Act 11552. Ito ay naaprubahan at nilagdaan ni Pangulong Duterte nitong Mayo 27.

Layunin ng batas na ito na palawigin ang pagbibigay ng subsidiya sa bayarin sa kuryente ng mga lifeliners hanggang 2051 o 30 taon mula ngayon. Ang mga itinuturing na lifeliners ay mga low-income o marginalized consumers na hirap o walang kakayahang makabayad ng kanilang kuryente.

Ayon kay PHILRECA Party-List Representative Presley De Jesus, “malaking tulong ang subsidiyang ito upang patuloy na magkaroon ng kuryente ang ating mga kababayan na hirap sa buhay na talaga namang nangangailangan ng pagkalinga ng estado. Sabi nga isang legal na prinsipyo, ‘those who have less in life should have more in law’.”

“Sa panahon ngayon ay maituturing na napakahalagang parte ng araw-araw na buhay ang pagkakaroon ng kuryente kaya naman masugid naming isinusulong ang mga panukalang-batas gaya nito na makasisiguro na mayroong access sa elektrisidad ang bawat Pilipino,” dagdag ni APEC Party-List Representative Sergio Dagooc.

“Ang pagkakaroon ng kuryente ay isa ng karapatan at nararapat lang na matulungan ang mga pamilyang Pilipino na kapos sa buhay na makamit ito,” ani RECOBODA Party-List Representative Godofredo Guya.

Diin naman ni Ako Padayon Pilipino Party-List Representative Adriano Ebcas, “sa pamamagitan ng batas na ito, patuloy na magkakaroon ng abot-kayang kuryente para sa online schooling at trabaho ang mga lifeliners.”

Ang Power Bloc ay binubuo nina PHILRECA Party-List Representative Presley De Jesus, APEC Party-List Representative Sergio Dagooc, RECOBODA Party-List Representative Godofredo Guya, at Ako Padayon Pilipino Party-List Representative Adriano Ebcas.